UPANG higit na maging epektibo ang kampanya kontra droga ay nagsanib ang puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng Bureau of Immigration (BI) sa pamamagitan ng Memorandum of Agreement na pirmahang isinagawa noong Disyembre 10, 2010 sa PDEA National Headquarters, Lungsod Quezon.
Isinagawa ang aktibidad sa pagitan nina PDEA Director General/Senior Undersecretary Dionisio R. Santiago at ni Officer-In-Charge ng Bureau of Immigration Ronaldo P. Ledesma na dinaluhan din ng ilang opisyal ng parehong ahensiya.
Ang BI ay gaganap ng napakahalagang papel lalo na sa pagmamatyag sa mga sindikato ng droga na pumapasok sa bansa habang ang PDEA naman ang syang magbibigay ng impormasyon ng mga dayuhang pumapasok sa bansa na kaalyado ng ‘international drug groups’.
Bukod sa pagiging miyembro ng BI sa Task Force on Drug Couriers ay magsasagawa rin ito ng paraan o stratehiya upang labanan ang pagkuha ng mga dayuhan sa mga Pilipino bilang ‘drug mules’. Sinabi rin ni Gen. Santiago na ang MOA ang magbibigay kapangyarihan sa kapwa ahensiya ng pamahalaan upang maging mas organisado at sistematiko ang pamamaraan sa operasyong ginagawa ng kontra droga.
-30-
No comments:
Post a Comment