Search This Blog

Loading...

Tuklasin Natin Adverts

Tuklasin Natin Adverts
Tuklasin Natin Adverts

Saturday, October 15, 2011

Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (PISTON)

PISTON nanawagan kay Pnoy na pigilan ang nakaambang Oil Price Hike sa darating na linggo. Pagbenta ng PETRON refinery sa gobyerno hindi sapat. Buong PETRON hiniling ng mga tsuper na maibalik bilang State Oil Company.

Hiniling ng militanteng transport group PISTON o Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide kay Pangulong Aquino na ngayon pa lang ay umaksyon na upang rendahan ang napapaulat na panibagong Oil Price Hike sa darating na linggo. Ang reaksyong ito ng naturang transport group ay bunsod ng napapaulat sa media na panibagong Oil Price Hike na Piso sa Gasolina at 30 sentimos sa diesel.

Ayon kay George San Mateo, Secretary General ng PISTON, mahalagang ngayon palang ay kumilos na si Pangulong Aquino upang pigilan at rendahan ang anumang pagtataas sa produktong petrolyo lalo pa at bugbog na sa krisis at kalamidad ang mga tsuper at mamamayang Pilipino. Aniya, hindi pa nga nakakabangon ang maraming kababayan natin na sinalanta ng mga bagyong Pedring at Quiel na puminsala sa napakaraming mamamayan.

Siningil din ni San Mateo si Pangulong Aquino kung bakit wala nang nangyari sa mga binitawan nitong pangako sa diyalogo niya sa transport sector noong September 14 na pabubukasan diumano ang mga libro ng Big 3 upang ma-imbestigahan ng isang inter-agency task force ng gobyerno ang overpricing sa langis gayundin ang pagpaparepaso sa Oil deregulation Law. Isa si San Mateo sa nakadalo sa naturang diyalogo. Aniya, wala na silang nadinig muli kaugnay sa naturang pangako. Mistula aniyang nagka-amnesia na ang gobyernong Aquino sa mga binibitawan nitong pangako patunay na puro papogi lang ang ginagawa ng administrasyon..

Nagbabala si San Mateo na kapag muling hindi umaksyon si Pnoy sa pagrenda sa oil price hike at ang hindi nito pag-aksyon sa mga binitawan nitong pangakong imbestigasyon at review sa Oil deregulation Law ay mapipilitan aniya ang PISTON at mga kaalyado nito na muling magkasa ng mga serye ng sunod-sunod na kilos protesta. Maalalang tatlong beses na nagsagawa ng nationwide protest ang grupo noong Marso 31, Agosto 31 at ang pinakahuli noong September 19.

Pagbenta ng PETRON refinery sa gobyerno hindi sapat para maibaba ang presyo ng langis

Samantala sinabi din ng PISTON na hindi sapat ang balak ng Petron Corporation na ibenta ang refinery nito sa Bataan upang matigil ang overpricing at maibaba ang presyo ng langis sa bansa.

Ayon kay George San Mateo, Secretary General ng PISTON, mahalagang maibasura muna ang Oil Deregulation Law upang mailagay sa epektibong regulasyon ng gobyerno ang pagpepresyo ng petrolyo at industriya ng langis sa ating bansa upang mabantayan at mabusisi ng mabuti ang overpricing. Kaakibat nito, ayon kay San Mateo napakahalagang maibalik ang buong Petron Corporation sa pag-aaring publiko para maimpluwensyahan ng pamahalaan ang local oil prices sa layuning maging abot-kaya ito sa mga tsuper at mamamayang Pilipino

Binigyang-diin ni San Mateo na hindi sapat na maibalik ang refinery ng Petron sa gobyerno. Aniya, kulang kung refinery lang ang maibabalik sa pamahalaan. Napakahalaga aniya ang direktang presensya ng gobyerno sa industriya ng langis partikular sa buong proseso ng pag-aangkat, pag-iimbak, pagrerepina at pagbebenta / pagtitingi ng produktong petrolyo upang matiyak na makakarating ito sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa presyong abot-kaya ng mga driver at mamamayan. Magagawa lang ito kung maibabalik ang PETRON sa pag-aari at kontrol ng pamahalaan.

Dahil dito, iginiit ni San Mateo sa administrasyong Aquino na seryosong dinggin ang panawagan ng PISTON at iba’t ibang sektor na maibalik ang Petron Corporation sa control at pag-aaring publiko. Aniya, ang PETRON ang siyang may pinakamalaking merkado sa bansa at may pinakamalaking bilang ng oil depots at gasoline stations na nakakalat sa ibat ibang istratehikong bahagi ng bansa lalo na sa mga lugar na makapal ang presensya ng public land transport sector. Aniya, dapat magpakita ng political will ang administrasyong Aquino sa usaping ito dahil kung hindi ay lalong lalakas ang hinala ng mga driver at mamamayan na nakikipagsabwatan ang gobyerno sa Big Three Oil Cartel sa pagpapanatili ng overpricing at dominasyon nito sa local na indutsriya ng langis.

Sinabi pa ni San Mateo na sa kasalukuyan ay may nakabinbin na House Bil 4355 si Bayan Muna Rep. Teddy Casino na nananawagan ng pagbasura sa Oil Deregulation Law kasama ang pagtatatag ng Petroleum Regulatory Council, Oil Buffer Fund at Centralized Oil Procurement gayundin ang pagbabalik sa Petron bilang pag-aaring publiko. Aniya, nanawagan sila kay Pangulong Aquino na sertipikhan ito bilang urgent/priority bill upang gumulong ang pagpoproseso ng naturang panukalang batas.

Inirereklamo ni San Mateo na hanggang sa ngayon ay hindi isinasalang sa deliberasyon ni House Committee on Energy Chair Rep. Henedina Abad, ang House Bill 4355 at iba pang panukalang batas na naglalayong maibasura ang Oil deregulation Law. Si Rep. Abad ay miyembro ng Liberal Party at asawa ni Budget Secretary Butch Abad na kilalang malapit na adviser ni Pangulong Aquino. George San Mateo, PISTON Secretary General

No comments:

Post a Comment

Lingkod Bayan Partner in Public Service

Lingkod Bayan Partner in Public Service

Sponsors

Sponsors
Riscor Engineering Consultancy