Search This Blog

Loading...

Tuklasin Natin Adverts

Tuklasin Natin Adverts
Tuklasin Natin Adverts

Saturday, November 19, 2011

Hinggil sa tuluyang pagkakamit ng hustisya laban kay Arroyo

Maituturing ngang “makasaysayan” ang pagkakaaresto kay Gloria Macapagal Arroyo kahapon. Sa mahigit 500 araw ni Aquino bilang pangulo at sa kabila na ang pagpapanagot kay GMA ang dahilan ng kanyang pagkakapanalo, ngayon lang nasampahan ng kaso si GMA.

Pero hindi pa tuluyang nakakamit ng mamamayang Pilipino ang katarungan laban kay Arroyo sa napakaraming kaso ng pangungurakot at pandarambong nito sa yaman ng bayan, sa libu-libong kaso ng ekstra-hudisyal na pagdukot at pagpaslang, sa pakikipagsabwatan nito sa pamilya Cojuangco-Aquino sa masaker sa Hacienda Luisita, sa pandaraya sa eleksyon at pag-atake sa mga batayang karapatan at kabuhayan ng mamamayan.

Kailangang isulong ng mamamayan ang tuluyang pagpapanagot kay GMA sa kanyang mga kasalanan dahil nakita na nating hindi sinsero ang gobyernong Aquino dito. Nakasalalay pa rin ang tuluyang pagpapanagot kay GMA sa agresibong nating paggigiit.

Sa kabilang bahagi naman, kinokondena namin ang gobyernong Aquino na habang tila abalang-abala ang ilang ahensya nito sa pagpigil na makaalis sa bansa si GMA, abalang-abala rin ang gobyernong ito sa pagpapatupad ng mga patakarang walang pinag-iba sa mga ipinatupad ni GMA tulad ng higit na pagbebenta ng yaman ng ating bansa sa mga dayuhan, pagpapatupad ng dagdag na pahirap sa mamamayan at kung paano makakapuslit sa pagharap sa lumalalang kahirapan at kagutuman:

- Inihayag ni Aquino sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit na magsasagawa na ang isang korporasyong nakabase sa Estados Unidos ng natural gas exploration sa hilagang parte ng bansa.
- Sa pagbisita ni Hillary Clinton sa bansa, napirmahan ang Manila Declaration sa pagitan ng Estados Unidos at Pilipinas kung saan naiposisyon ang mas mahigpit na kontrol at presensya ng militar ng Estados Unidos sa South China Sea.
- Panibagong paghuthot sa kakarampot nang kita ng manggagawa at mamamayan ang ipinataw ng BIR na dagdag-buwis sa pension at health contributions.
- Nagsagawa ng big-time oil price hike ang mga dambuhalang kumpanya ng langis; magkakaroon ng malaking dagdag-singil sa kuryente ang Meralco ngayong Nobyembre.
- Naitala ang mas mataas na tantos ng self-rated poverty sa bansa, ayon sa sarbey ng Social Weather Stations. Mahigit sampung milyong pamilyang Pilipino (10.4 milyon) ang itinuturing ang kanilang sarili na mahirap – mas mataas nang 3 porsyento kumpara sa naitala noong Hunyo 2011.

Titiyakin naming tuluyang makakamit ng mamamayang Pilipino ang hustisya laban kay Arroyo. Kasabay nito, tuluy-tuloy rin naming lalabanan ang mga kontra-manggagawa at kontra-mamamayang hakbangin ni Aquino. Magpapatuloy ang panawagan para sa makabuluhang dagdag-sahod, laban sa kontraktwalisasyon, laban sa kahirapan at kagutuman at para sa tunay na hustisya sa mamamayan. Lito Ustarez, KMU Vice Chairperson

No comments:

Post a Comment

Lingkod Bayan Partner in Public Service

Lingkod Bayan Partner in Public Service

Sponsors

Sponsors
Riscor Engineering Consultancy