Search This Blog

Tuklasin Natin Adverts

Tuklasin Natin Adverts
Tuklasin Natin Adverts

Thursday, November 17, 2011

Organikong pataba mula sa katas ng prutas, isda at iba pa

Ang paggamit ng organikong pataba ay isang paraan ng paghahalaman na nakakatulong upang maging maganda ang lupang taniman at ang paglago ng halaman. Ilan sa mga halimbawa ng organikong pataba ay ang “fermented plant juice (FPJ),” “fermented fruit juice (FFJ),” “fish amino acid (FAA),” at “calcium carbonate” (CaCO3).

Ang mga ito ay tinalakay ni Dr. Rodel G. Maghirang ng Unibersidad ng Pilipinas sa Los Baños sa isang pandaigdigang seminar na may titulong “Development and adoption of green technologies for sustainable agriculture and enhancement of rural entrepreneurship,” na itinaguyod ng Food and Fertilizer Technology Center (FFTC) at ng Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development (PCARRD) noong 2010 sa Los Baños, Laguna. Ipinaliwanag ni Dr. Maghirang ang mga sumusunod:

• Pinaasim na katas ng halaman o fermented plant juice (FPJ). Ito ay ang pagpapaasim ng mga ginayat o tinadtad na bahagi ng halaman tulad ng mga dahon, damo, buko ng bulaklak at prutas ng 7-10 araw. Nagdadagdag sa halaman ng pulang asukal o pulot (1/3-1/2 na dami ng halaman).

Sa Pilipinas ang karaniwang ginagamit na halaman ay kangkong, kamoteng baging at mga dahon ng kakawate. Ang 2 kutsara na FPJ ay inilalagay sa isang litro ng tubig at ibinobomba sa halaman o ibinabasang mabuti sa lupa. Ito ay nagtataglay ng hormon na nagpapasigla sa mga kapaki-pakinabang na mga mikroorganismo na nakatutulong sa paglaki ng halaman.

• Pinaasim na prutas o fermented fruit juice (FFJ). Ito ay inihahanda tulad ng FPJ. Ang mga bagay na ginagamit ay balat ng prutas, sobra sa hinog na mga saging, papaya, pakwan o pinya. Inihahalo ang mga ito sa kalahati lang ang dami na pulot o asukal. Ang ginagawa ng iba ay magkapareho ang dami (1:1) ng prutas at asukal.

Ang 1 kutsara na FFJ ay inilalagay sa 5 litrong tubig para sa mga halaman na nakatanim sa matabang lupa. Sapat na ang 1-2 kutsara sa bawat litro ng tubig para sa mga halamanan na nasa lupang nangangailangan ng pataba. Ginagamit ito na pambomba sa dahon ng halaman upang mapabuti ang kalidad ng prutas. Karaniwan na ito ay ginagamit sa panahon ng pamumulaklak at pamumunga ng halaman.

• Fish amino acid (FAA). Ang FAA ay mahusay na mapagkukunan ng nitroheno para sa mga halaman at maaaring magamit na suplemento sa kompost at dumi ng hayop, tulad ng dumi ng manok. Mainam itong gamitin sa lugar na malapit sa dagat na mapagkukunan ng mga isda at ibang parte nito tulad ng hasang at bituka. Sa paggawa FAA, ang pulang asukal o pulot ay inihahalo sa kasindami ng mga sangkap mula sa isda. Maaaring haluan ito ng “lactic acid bacteria” upang mabawasan ang masidhing amoy. Ilagay ang FAA sa lagayan na yari sa luwad at takpan ng papel.

Ang pangangasim ay magsisimula sa ika-14 na araw. Ang FAA sa daming 1-2 kutsara ay inihahalo sa isang litrong tubig at idinidilig sa lupa o ibinobomba linggo-linggo sa mga dahon ng mga halaman o depende sa kalusugan ng halaman. Huwag katataasan ang ilalagay na FAA sa tubig sapagkat ang mataas na dosis nito ay maaaring makasama sa halaman.

• Calcium carbonate (CaCO3) mula sa balat ng itlog. Ang balat ng itlog ay sagana sa CaCO3 na halos 95 porsiyento. Bukod sa calcium, ang natitirang porsiyento ay binubuo ng phosporus, magnesium, at sodium, potassium, zinc, manganese, iron, copper, at iba pa.

Para matunaw ang CaCO3, ang balat ng itlog ay iniihaw sa apoy hanggang maging kayumanggi o mangitim. Ito ay ginigiling o binabayo upang maging pulbos at hinahaluan ng 5-10 bahaging suka na mula sa niyog, tubo, pinya o saging. Ang natunaw sa suka na calcium ay handa na matapos ang 7-14 na araw, kapag wala ng bula.

Tumatagal ang CaCO3 sa imbakan ng hanggang isang taon. Huwag kakalugin o magdagdag ng asukal sa solusyong CaCO3 kapag nakaimbak. Gumamit ng 1-2 kutsara bawat litro ng tubig bilang pambomba sa mga dahon ng halaman o ibasa sa lupa lalo na sa panahon ng pamumulaklak upang bumuti ang buko at kalidad ng bunga. Bengie P. Gibe, S&T Media Service

No comments:

Post a Comment

Lingkod Bayan Partner in Public Service

Lingkod Bayan Partner in Public Service
Powered By Blogger

Sponsors

Sponsors
Riscor Engineering Consultancy