Search This Blog

Loading...

Tuklasin Natin Adverts

Tuklasin Natin Adverts
Tuklasin Natin Adverts

Thursday, November 17, 2011

Pagluluwas ng “personal care products” mula sa gatas ng kambing maganda ang hinaharap

Kadalasan, ang mga nag-aalaga ng kambing ay nais lang kumita sa karne, gatas, at barakong kambing. Marami ang hindi nakakaalam na makakagawa rin ng mga pampaganda mula sa gatas ng kambing. Ito ay malaking pagkakitaan sa mga pamilihan dito at sa ibang bansa.

Napatunayan sa isang pag-aaral na isinagawa ng mga mananaliksik ng University of the Philippines Los Banos (UPLB) na pinangungunahan ni N.D. Montes, na maganda ang hinaharap dito at sa ibang mga bansa ng organikong pangpaganda at pangkalusugang mga produkto na ginamitan ng gatas ng kambing.

Batay sa ulat ng mga mananaliksik ng UPLB sa Philippine Council for Agriculture, Forestry and Natural Resources Research and Development (PCARRD), ang pagpoproseso sa hilaw na gatas ng kambing bilang ibang produktong di nakakain tulad ng sabon ay nakapagbibigay ng mas mataas na kita.

Sa pag-aaral, sinuri ang tagumpay ng Splash Corporation at KALAPANA Company na gumagamit ng gatas ng kambing sa kanilang mga produktong pangpaganda at pangkalusugan.

Ang Splash Corporation ay kilalang nangunguna sa industriya ng pangangalaga sa balat na nahihigitan pa sa benta kahit ang matatag na negosyo ng mga ‘multinational.’ Sa kabuuang benta na lampas sa P3.0 bilyon at netong kita na P298 milyon noong 2007, nagbebenta ito ng 14 na mga pangkagandahang produkto na gawa sa likas na mga panglahok tulad ng ‘exfoliant,’ ‘anti-aging,’ skin whitening lotion,’ ‘skin whitening soap,’ at ‘premium hair dye.’ Ang mga produktong ito ay ipinamahagi sa 25 mga bansa ng Aprika, Asya, at Hilagang Amerika na binubuo ng mga 15 porsiyento ng netong benta ng kompanya.

Ang tagumpay ng kompanya ay sanhi sa malakas nitong pagsasagawa nang paglilinang, paglikha, at pangangalakal ng likas na mga produkto kahit sa panahon ng pandaigdigang krisis pinansiyal. Binibigyan diin ng Splash ang malakas na pangangasiwa, pangunguna at pagbabago ng mga produkto, ‘value chain efficiencies,’ at patuloy na pagpapabuti sa proseso ng negosyo.

Samantala, ang KALAPANA ay may ibang mga uri ng sabon na ‘moisturizer’ at pampaputi na ipinagbibili sa lokal at mga pandaigdigang pamilihan. Ang pangunahing kakayahan ng KALAPANA ay ang teknolohiya sa paggawa ng sabon na ang pangunahing ginagamit ay gatas ng kambing at ‘virgin coconut oil.’ Karaniwang nakakagawa ang kumpanya ng 5,000 baretang sabon mula sa 120 litro ng gatas ng kambing. Ang sabon na may 5 porsiyentong gatas ay ipinagbibili ng P38 at P40, ang ‘premium’ na sabon na may 20 porsiyentong gatas ay P55, at ang sabon para sa sensitibong balat ay P50.

Ang kalamangan ng KALAPANA sa kumpetisyon ay ang reputasyon nito bilang isang maaasahang pinagmumulan ng pangkalusugan at pampagandang produkto tulad ng sabon at losyon na ginamitan ng gatas ng kambing.

Sinabi ng mga mananaliksik na ang Kagawaran ng Pagsasaka ay kailangang gumawa ng epektibong ugnayan sa pagitan ng pinagmumulan ng hindi pa napoprosesong gatas at mga may pabrika, at magtatag ng isang aktibong samahan sa lokal na industriya para sa produksyon ng gatas ng kambing.

Ipinapayo rin ng mga mananaliksik ang patuloy na suporta ng pamahalaan sa mga gumagawa ng produktong pangkagandahan at pangkalusugan mula sa gatas ng kambing. Ipinapayo rin ang pagsali nila at ng mga nag-aalaga ng kambing para sa gatas sa mga lokal at “international fairs and exhibits” para mas mapahusay pa ang kanilang kakayahan. Bengie P. Gibe, S& Media Service

No comments:

Post a Comment

Lingkod Bayan Partner in Public Service

Lingkod Bayan Partner in Public Service

Sponsors

Sponsors
Riscor Engineering Consultancy