Tanging mga iodized o fortified na asin ang maaaring ibenta sa mga palengke at tindahan sa Quezon City.
Ito ang nilalaman ng panukalang ordinansa na inihain ni 4th district Councilor Jessica Castelo Daza, na nagbabawal sa pagbebenta ng “unfortified” na asin sa lungsod.
Ayon kay Castelo-Daza, layon ng kanyang panukala na maisulong ang paggamit ng iodized/fortified salt sa lungsod at gawing mas madali itong hanapin o bilihin sa mga tindahan at palengke.
Ang iodized salt ay ginagamit para mabawasan ang iodine deficiency. Ang iodine ay isang uri ng micronutrient na ginagamit ng katawan ng tao para sa mental at physical development.
Ang kakulangan sa iodine o iodine deficiency disorder (IDD) ang pangunahing sanhi ng mental at physical retardation, pagkawala ng IQ points, mabagal na mental response at thyroid gland problems, kabilang na ang endemic goiter.
Sinabi ni Castelo-Daza na isang madaling paraan para maiwasan ang IDD ay ang paggamit ng iodized salt o asin na hinaluan ng iodine.
Isinabatas ang Republic Act 8172 o “An Act for Salt Iodization Nationwide (ASIN)” para maisulong ang paglalagay ng iodized salt sa pagkain at malabanan ang micronutrient malnutrition sa bansa.
Subalit, sinabi ni Castelo-Daza na sa kabila na may batas ukol dito at mataas na awareness o kaalaman sa benepisyo ng iodized salr ay mababa o kakaunti ang gumagamit nito dahil sa ito ay mahirap hanapin sa mga tindahan at palengke.
Ang iodized salt na ibebenta sa siyudad, maging ito ay gawa dito o imported, ay kailangang makasunod sa standard ng Bureau of Foods and Drugs (BFAD) ng Department of Health (DOH).
Sa ilalim ng panukala, ipagbabawal sa sinuman na magbenta ng unfortified salt sa Quezon City. Ang sinumang lalabag sa probisyon ay pagmumultahin ng P1,000 sa bawat paglabag.
Sa ikatlong paglabag, maaaring irekomenda ng QC Health Department sa Business Permit and Licensing Office (BPLO) ang kanselasyon ng business permit ng tindahan na nagbebenta ng unfortified salt. -30- Divine/ Maureen Quinones, PAISO
No comments:
Post a Comment