Ipinakikita ni Quezon City Administrator Victor Endriga ang Memorandum of Agreement na nakatakdang pirmahan nina Mayor Herbert M. Bautista at National Grid Corporation President and CEO Henry Sy sa Abril 24.
KAUGNAY sa pagsasaayos ng mga ‘informal settlers’ sa Lungsod Quezon ay inaasahan na magkakaloob ng tatlong libong pabahay si Henry Sy para sa mga residenteng nakatira sa ilalim ng ‘high tension wires’.
Ayon kay City Administrator Victor Endriga ay tinatayang 90,000.00 ang halaga ng bawat bahay na ipagkakaloob ng National Grid Corporation.
Matatandaan na si Henry Sy ang bagong natalagang Presidente at Chief Executive Officer ng National Grid Corporation kung saan ay siya rin ang Vice Chairman at CEO ng SM Development Corporation at Vice Chairman pa rin ng SM Investment Corporation.
Inaasahan na magkakaroon ng paglalagda ng kasunduan sa pagitan nina City Mayor Herbert Bautista at Henry Sy sa April 24 sa Bulwagan ng Quezon City Hall upang lalong mapagtibay ang pag-uugnayan ng mga programa ng lokal na pamahalaan at ng National Grid Corporation upang mailipat sa mas maayos na tirahan at kalagayan ang mga kababayan nating nakatira sa ilalim ng ‘high tension wires’.
Dagdag pa ni City Administrator Victor Endriga na dahil sa mga ganitong pagsasama-sama ng pribado at pamahalaan ay magiging maliwanag na ang kinabukasan ng mga mahihirap nating kababayan dahil simula na ito ng hakbangin na mapataas ang kalidad ng buhay ng bawat mamamayan sa bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon o pagkakaloob ng isang ligtas at maayos na tahanan at magsisilbing ehemplo ang Lungsod Quezon sa ganitong adhikain.
No comments:
Post a Comment