Search This Blog

Tuklasin Natin Adverts

Tuklasin Natin Adverts
Tuklasin Natin Adverts

Thursday, December 15, 2011

Hinggil sa kampanya ng gobyernong Aquino na i-impeach si Corona

(1) Hangad namin ang agarang pagpapanagot kay dating Pang. Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang malulubhang krimen sa mga manggagawa at mamamayang Pilipino. Sa loob ng mahigit siyam na taon, nilabag niya ang mga karapatang pang-ekonomiya, pampulitika at sibil ng mga manggagawa at mamamayan. Para sa marami, sigurado nang maysala siya sa mga kaso ng pandarambong, pandaraya ng eleksyon at paglabag sa mga karapatang pantao.


(2) Mula nang maging pangulo siya, gayunman, si Pang. Benigno “Noynoy” Aquino III ang naging hadlang sa pagpapanagot kay Gng. Arroyo. Matapos ang mahigit 500 araw sa pwesto, nabigo ang kanyang gobyerno na magsampa ng kahit isang kaso man lang laban kay Gng. Arroyo at sa mga kasabwat nito.At ang kasong isinampa nito ay ang pagsabotahe pa sa eleksyong 2007 – at hindi man lang sa eleksyong 2004, kung saan malinaw na nalantad na may kasalanan si Gng. Arroyo.


(3) Napwersa lang ang gobyernong Aquino na umaksyon laban kay Gng. Arroyo nang malinaw na ipakita ng huli na plano nitong tumakas sa pagpapanagot sa pamamagitan ng pagpapadestiyero sa ibang bansa. Napwersa lang itong umaksyon bunsod ng takot sa pagkondena ng mga manggagawa at mamamayan kung sakaling mabigo itong papanagutin si Gng. Arroyo para sa mga krimen ng huli. Natakot din itong mawalan ng sisisihin kapag kailangan nitong pataasin ang popularidad nito.


(4) Bumanat lang si Pang. Aquino sa Korte Suprema, at kay Chief Justice Renato Corona sa partikular, nang iniutos ng mataas na korte ang pamamahagi ng lupain ng Hacienda Luisita sa mga magbubukid. Duda kami sa kagustuhan ni Pang. Aquino na papanagutin si Gng. Arroyo, batay na rin sa rekord ng gobyerno niya sa isyu, pero sigurado kaming layunin ni Pang. Aquino na panatilihin ang Hacienda Luisita sa pagmamay-ari ng pamilyang Cojuangco-Aquino.


(5) Bagamat maraming kulang at butas sa desisyon ng Korte Suprema hinggil sa Hacienda Luisita, tagumpay ito ng mga magsasaka at manggagawang bukid. Makikita sa kampanya ng rehimeng Aquino para i-impeach si CJ Corona ang pag-ani sa galit ng mga panginoong maylupa ng bansa sa isang desisyon na nagbabanta, kahit paano, sa inaangkin nilang karapatang magmay-ari ng malalaking kalupaan sa bansa.


(6) Kritikal kami sa Korte Suprema, lalo na sa pamumuno in CJ Corona. Sa maraming mahalagang kaso, bumangga ito sa interes ng mga manggagawa at mamamayang Pilipino – sa partikular, sa mga kaso sa VAT sa toll, Fasap at coco levy. Naniniwala kami, gayunman, na sa esensya’y reaksyunaryong institusyon ito, at walang anumang pagpapalit ng tao rito ang magdudulot dito na maging panig sa mga manggagawa at mamamayan.


(7) Sa ganitong mga batayan, naniniwala kaming isang hakbangin sa tunggalian ng mga paksyon ng naghaharing uri ang kampanya ng gobyernong Aquino na i-impeach si CJ Corona. Hindi garantiya ang pagkaka-impeach ni CJ Corona na papanagutin ng gobyernong Aquino si Gng. Arroyo sa mga krimen ng huli. Posibleng walang mapala ang mga manggagawa at mamamayan – higit pa rito, posibleng marami ang mawala sa atin – kapag nagtagumpay ang iskema ng rehimeng Aquino na kontrolin o i-takeover ang Korte Suprema. Elmer "Bong" Labog, KMU Chairperson

No comments:

Post a Comment

Lingkod Bayan Partner in Public Service

Lingkod Bayan Partner in Public Service
Powered By Blogger

Sponsors

Sponsors
Riscor Engineering Consultancy