Inihayag ng Kilusang Mayo Uno ngayong araw na lalahok ang mga manggagawa sa kampuhan sa Mendiola na magsisimula sa Dis. 6 para ipanawagan ang radikal na pagbabago sa gitna ng tumitinding kagutuman at kahirapan sa bansa.
Layon ng protesta, na tinataguriang “Kampuhan Kontra Kaltas, Krisis at Kahirapan,” na pagkaisahin ang iba’t ibang sektor na sawa na sa kalagayang pang-ekonomiya sa bansa at sa mga patakaran ng gobyerno.
Ito ay isa sa mga tugon ng mga mamamayang Pilipino sa mga protestang Occupy sa US laban sa matinding kawalan ng pagkakapantay-pantay, kasakiman ng mga korporasyon, at lumalalang kahirapan.
“Sawa na ang mga manggagawa sa mga patakarang pang-ekonomiya ng bansa na nagkakait sa kanila ng bunga ng kanilang paggawa habang hinihigop ito ng iilan. Sawa na kami sa sistema kung saan dumaranas ang mga nagtatrabaho nang puspusan ng papatinding kagutuman at kahirapan habang nagkakamal ang mga nakaupo lang ng papalaking yaman at kapangyarihan,” ani Elmer “Bong” Labog, chairperson ng KMU.
“Maging ang kagyat na ginhawa na matagal na naming ipinaglalaban – ang makabuluhang dagdag-sahod at pagbasura sa kontraktwalisasyon – ay ayaw ibigay ng gobyerno. Radikal at tunay na pagbabago ang kailangan, hindi ang pagbabagong ipinangako ng gobyernong ito,” dagdag niya.
Utang panlabas
Sang-ayon sa mga protestang Occupy sa US na kumokondena sa pinakamayamang isang porsyento ng populasyon, na binubuo ng mga oligarkiya sa pinansya na may-ari sa pinakamalalaking bangko, mananawagan ang mga manggagawa ng pagtigil sa pagbabayad sa mga utang panlabas na hindi pinakinabangan ng mga mamamayan.
Ayon sa KMU, ang bayad ng bansa sa utang panlabas, na ngayo’y nasa $61.4 bilyon, ay napupunta lamang sa mga oligarkiya sa pinansya at nangwawasak sa buhay ng mga manggagawa at maralita.
“Inilalaan ang malaking porsyento ng pambansang badyet sa pagbabayad ng utang-panlabas na dapat ay napupunta sa mga serbisyong panlipunan tulad ng edukasyon, kalusugan at pabahay. Taun-taon, ninanakawan ang mga manggagawa at mahihirap ng serbisyong panlipunan,” ani Labog.
“Kalakhan pa sa inuutang ng gobyerno, hindi napupunta sa pakinabang ng mga mamamayan kundi sa bulsa ng iilang nasa gobyerno. Sa kabila nito, ginagamit ang pautang para ipalunok sa atin ang mga anti-mamamayang patakaran na dikta ng mga nagpapautang,” dagdag niya. Elmer “Bong” Labog, KMU Chairperson
No comments:
Post a Comment