Mahalaga ang tamang pag-aagwat ng bawat tundos sa pagtatanim. Ang maling pag-aagwat ay nakapagpapababa ng ani ng 25 hanggang 30%. Ang tuwid na pamamaraan ng pagtatanim naman ay makatutulong sa pagkakaroon ng parehas na agwat ang bawat tundos kaya pantay-pantay ang paglaki ng palay. Napapabilis pa nito ang paglalagay ng pataba, pagdadamo lalo na kung gagamitan ng rotary weeder, pag alis ng mga halo, at iba pang gawain sa bukid.
Hindi gaanong makakapagsuwi ang halaman kung sobrang sinsin ang paglilipat-tanim, maiigsi rin ang mga uhay at mapapayat ang puno ng mga ito kaya mababa ang ani. Mas magastos din ito dahil kakailanganin ang mas maraming binhi o punla.
Kung sobrang luwang naman ang pagitan, pwedeng marami ang magiging suwi ng bawat puno ngunit mababa pa rin ang magiging pangkalahatang ani. Ito ay dahil kakaunti ang magiging tundos at uhay bawat metro kuwadrado.
Ang tamang agwat ng pagtatanim ay depende sa barayti, panahon ng taniman at sustansiyang taglay ng lupa.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol dito sumangguni sa Philippine Rice Research Institute o PhilRice, Maligaya, Science City of Muñoz, Nueva Ecija sa telepono bilang (044) 456-0285 loc 217. Maaari ring itext ang inyong mga katanungan sa PhilRice text center. Itype ang REG/pangalan/edad/home address/email address kung meron at ang katanungan upang makapagregister at isend sa 0920-911-1398.-30- Maria Adrielle Solsoloy, PhilRice
No comments:
Post a Comment